Bentahan sa mga palengke sa Boracay, 'matumal' kahit na bagsak-presyo

ABS-CBN News

Posted at May 05 2018 10:17 PM

Idinadaing ng mga negosyante sa Boracay ang matumal na bentahan ng kanilang paninda.

Umaaray na ang mga maliliit na negosyante sa Boracay dahil wala nang bumibili kahit bagsak-presyo na ang kanilang mga paninda.

Isa sa mga apektado ng kawalan ng turista sa isla ang tindero ng isda na si Francis de Juan.

Ayon kay De Juan, dati ay kumikita siya ng P1,000 kada araw, ngunit ngayon umano ay hindi na niya ito naaabot.

Bagsak-presyo na ang paninda ng mga ibang negosyante, pero wala pa ring bumibili.

Ang tindera na si Fe Iloreta, ipinapamigay na lang ang mga panindang isda na puwede pang kainin dahil wala umanong pambili ang mga lokal na residente.

Bukod sa mga karne at isda, apektado na rin ang bentahan ng mga gulay.

Dahil dito, umapela ang mga negosyante na mabuksan kaagad ang Boracay.

Training sa mga displaced worker

Samantala, sumailalim sa training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga displaced na empleyado sa Boracay.

Tinuruan ang mga babaeng empleyado na gumawa ng cake at pastry.

Tatagal ng 10 araw ang training, kung saan makatatanggap din sila ng allowance at panghanapbuhay.

Clearing operations sa Boracay

Nagsimula na rin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paggiba ng mga istraktura sa magkabilang parte ng daan sa Bulabog Beach.

Marami ang boluntaryong sumira ng kanilang istraktura.

Pinahinto din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paghuhukay sa nadiskubreng tubo sa beach front.

Kakailanganin kasi ng heavy equipment para tanggalin ito.

--Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.