Anak nabaril ang sariling ama dahil sa alitan sa lupa

ABS-CBN News

Posted at May 05 2018 08:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang 68-taong gulang na tatay sa General Trias, Cavite matapos pagbabarilin ng sarili niyang anak dahil sa isang pagtatalo nitong Huwebes ng gabi.

Dead-on-the-spot ang lalaking kinilalang si Glicirio Montilla matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Santiago.

Ang suspek, mismong anak ni Glicirio na si Johnny Montilla.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, mula Negros Occidental ay dumiretso ang biktima sa kanilang bahay sa Cavite at hinanap ang asawa niyang si Rosalina upang papirmahin sa mga dokumento para maibenta ang kanilang lupa.
    
Naghihinala rin umano ang biktima na may lalaki ang kaniyang misis.

"Sabi niya papatayin daw niya si mama (lola)...Kung wala ba daw kasamang lalaki si mama," kuwento ni Lani Libradilla, anak ng suspek.

Nang hindi datnan ni Glicirio sa bahay ang asawa, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang biktima at kaniyang anak na si Gayrose.

Binantaan umano ni Glicirio si Gayrose na papatayin ito gamit ang karit, kaya humingi siya ng tulong sa kaniyang kuyang si Johnny.

"Di umano ayaw pumirma ng asawa, dahil alam niya 'yung biktima nagbibisyo sa sugal sa probinsiya," paliwanag ni Insp. Ramir Sangria, chief administrative officer ng General Trias police. 

Doon na nagka-initan at sa gitna ng argumento ay pinagbabaril na ni Johnny ang kaniyang sariling ama.

Tinangka pang tumakas ng suspek pero nang makorner ng mga pulis ay sumuko rin ito.
    
Giit naman ni Johnny, ipinagtanggol niya lang ang kaniyang nanay kaya niya nagawa ang krimen.

"Sinasaktan niya po ang nanay ko... Gusto niyang ibenta 'yung lupa para masolo niya," depensa ng suspek.

Nahaharap sa kasong parricide at violation ng Commission on Elections (Comelec) gun ban ang suspek.
    
--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.