3 anyos na batang babae, natagpuang patay sa talahiban

ABS-CBN News

Posted at May 05 2018 04:28 PM | Updated as of May 05 2018 06:10 PM

Matapos ang mahigit dalawang araw na paghahanap, natagpuan nitong Biyernes ang wala nang buhay, walang saplot, at naaagnas na katawan ng nawawalang 3 anyos na batang babae sa masukal na bahagi ng Barangay Masalong, Labo, Camarines Norte.

Ayon sa Labo police, Martes nang maiulat na nawawala ang naturang bata. 

Matapos ang ilang araw, isang ka-barangay ang umano'y lumutang at sinabing nakita niya na huling kasama ng biktima ang 29-taong gulang na si Alberto Belmonte.

"Mabuti na lang kamo may nakakita sa kaniya at nagkaroon kami ng suspek kung sino... Kaya ang ginawa ng barangay, tatakas na yata itong lalaki, itong suspek natin, ay hinold na rin ng barangay and then tumawag na ng pulis," ani Supt. Juancho Ibis, hepe ng Labo Municipal Police Station.

Nahuli si Belmonte, at kalauna'y napa-amin ng pulisya sa ginawang krimen.

Sa imbestigasyon ng Labo police, Martes sa isang inuman nang maka-away ni Belmonte ang kaniyang kapatid na lalaki, na siyang live-in partner ng ina ng biktima.

Bilang ganti, ibinaling niya ang galit sa musmos na biktima.

Hindi rin itinanggi ng suspek maging ang ginawang pangmomolestiya sa bata.

"Iyung bata po 'yung napag-buntunan ko ng galit sa kapatid ko... Sinakal ko po, at [ginalaw] ko po ang ari," pag-amin ng suspek.

Sabi ng ama ng suspek, hindi niya kakampihan ang anak na gumawa ng karumaldumal na krimen. 

"Hindi po ako nagkukunsinte kasi maling gawa po 'yun. Maski kako nag-away kayo, hindi mo dapat idinamay ang bata kasi wala naman kako 'yang pakialam," giit ng ama nito. 

Sinampahan si Belmonte ng kasong murder kaugnay ng Republic Act 7610, ang batas laban sa pang-aabuso sa mga bata.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng bata para tukuyin kung ganap bang ginahasa ang biktima. 

Oras na mapatunayan, maghahain ng kasong rape ang Labo police laban kay Belmonte. 

--Ulat ni Kate Delovieres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.