Bangkay sa maleta natagpuan sa Bacoor

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at May 05 2017 05:03 PM | Updated as of May 05 2017 07:18 PM

Natagpuan ang isang bangkay sa loob ng isang maleta sa Bacoor, Cavite. Photo by Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bacoor, Cavite- Natagpuan ang bangkay ng isang lalaking nakabalot at nakasilid sa isang maleta sa labas ng isang warehouse sa Barangay Niog Dos nitong Biyernes.

Nagulat ang isang katiwala nang makita paglabas mismo sa tapat ng pinapasukang warehouse ang maletang nakabalot ng pulang packaging tape at may nakalabas din na hugis paa na nakabalot din ng pulang packaging tape.

Nang buksan ng mga Scene of the Crime Operatives ang maleta, tumambad ang bangkay ng lalaki na binaluktot para magkasya sa loob ng maleta.

Binalot din ng packaging tape ang buong mukha ng biktima at nakatali ng nylon cord ang mga kamay.

Ani SPO1 Ferdinand Cruz, maaaring pinatay sa ibang lugar ang biktima at doon lamang iniwan ang bangkay.

“Maaring pinatay sa ibang lugar, dun lang siya binagsak [sa] lugar na yun [kasi] pag gabi na, madilim wala na ganong tao at wala na gaanong bahay,” ani Cruz.

Hindi pa nangangamoy ang biktima kaya hinala ng pulisya madaling araw lang ito pinatay. May senyales din na tinorture o pinahirapan muna ang lalaki bago pinatay. 

“Meron kami nakitang inisyal na binigti siya ng electrical wire sa leeg mayroong tama ng saksak ng matulis na bagay sa kaliwang dibdib at kaliwang tiyan,” ani Cruz.

Tinatayang nasa 35 hanggang 45 anyos ang edad ng lalaki na may taas na 5'5 feet, katamtaman ang pangangatawan, maputi at blonde ang buhok.

May mga tattoo sa kaniyang katawan ang bangkay at may mga pangalang ‘Mikaela’ at ‘Mikaila’ sa magkabilang dibdib.

Ang iba pang marka sa katawan ng lalaki ay isang pulang kiss mark sa may tiyan at tattoo ng 3 bituin sa likuran.

Hindi naman isinasantabi ng pulisya na may kinalaman sa droga ang pagpatay sa biktima.

“Meron kaming nakitang heat sealed na transparent na suspected shabu,” ani Cruz.

Dahil walang CCTV sa lugar, magsasagawa ng backtracking ang pulisya sa mga posibleng pasukan at lagusan para matukoy ang sasakyan na nagbagsak sa maleta.

Maaari namang pumunta sa Mesina Funeral Homes sa Las Piñas ang mga posibleng kaanak para kilalanin ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.