PatrolPH

Publiko hindi dapat mag-panic sa pagtaas ng COVID cases: DOH

ABS-CBN News

Posted at May 04 2023 04:07 PM | Updated as of May 04 2023 07:28 PM

Watch more News on iWantTFC

Iginiit ngayong Huwebes ng Department of Health (DOH) na hindi dapat mag-panic ang publiko sa kabila ng tumataas na bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

"We don't need to panic. Ang tinitignan na natin kasi po ngayon 'yong healthcare system capacity, if it's manageable then we are good," sabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.

Ayon kay Vergeire, nag-a-average sa 822 kaso kada araw ang mga kaso ng COVID-19, 79 porsiyento na mas mataas sa nakalipas na 2 linggo. Karamihan umano rito'y mild at asymptomatic, at wala ring masyadong nao-ospital.

"Our health care utilization [rate] across the country is less than 20 percent. All of our regions are registering less than 20 percent, meaning wala po masyadong nao-opsital. Kung mayroon man tayong binabantayan ngayon na ospital, ito po 'yong mga ospital na tumataas ang percentage ng utilization because somehow most of them kulang ang kama," ani Vergeire.

Inabisuhan na umano ang mga ospital na ihanda ang COVID-19 beds sakaling tumaas pa ang mga kaso.

"'Yon pong COVID wards ay nandoon naman talaga. Hindi po siya sinara. Pinapa-prepare lang namin," ani Vergeire.

Ipinaliwanag ni Vergeire na posibleng tumataas ang mga kaso dahil sa mga variant ng COVID-19, "mobility" ng populasyon, at vulnerability ng indibiduwal.

Sa ngayon, wala pa ring plano ang DOH na ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask.

Ayon naman sa public health advocate na si Dr. Tony Leachon, dapat tutukan ang positivity rate kahit pa mild ang mga kaso ng COVID-19.

Ang positivity rate ang bahagdan ng mga nagpopositibo mula sa kabuuang bilang ng mga nagpa-test sa isang lugar.

"We should be worried because of increasing number of cases and that is manifested by very fast na positivity rate... Sa akin, maganda kontrolin na natin 'yan bago pa mag-escalate 'yan into something else," ani Leachon.

Aminado naman si Vergeire na malaking bahagi pa ng populasyon ang dapat mabakunahan kontra COVID-19.

Samantala, sa Maynila, isang buwan nang tumataas ang mga kaso ng COVID-19.

Nasa 10 porsiyento kada linggo umano ang itinataas ng mga kaso pero kakaunti ang na-admit sa ospital.

Dahil dito, pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan kung ibabalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask.

"Magkakaroon kami ng ugnayan ng health cluster... and the 6 other hospitals if matutuloy natin 'yong mask mandate. Sa ngayon, hindi pa naman talaga kailangan," ani Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Bukod sa face mask, inihahanda na rin ng Maynila ang kanilang isolation facility.

Ilang unibersidad na rin sa lungsod ang nagpatupad muna ng online classes, tulad ng Adamson University at Technological University of the Philippines.

— Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.