MAYNILA - Patay ang 13 aso matapos sumiklab ang sunog sa isang compound sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City, pasado alas-3 ng hapon ngayong Huwebes.
Ayon sa may-ari ng bahay na si Grace Hormigoso, hindi na naisalba ang mga asong nakatira sa compound na inaalagaan nila.
Kabilang sa mga nawalan ng alaga ang isa sa mga nangungupahang si Fe Garcia.
"Parang pamilya na namin 'yung mga alagang aso," aniya.
Sa paunang ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula umano ang sunog sa bahay ni Hormigoso. Umabot ang sunog sa unang alarma.
Ani Grace, narinig na lang niyang may biglang pumutok at nakita na niyang nag-aapoy na ang circuit breaker.
"Biglang pumutok yung circuit breaker kasi na-ground pa ang anak ko," sabi niya.
Agad namang naapula ang apoy at patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.
Tinatayang halos P750,000 ang halaga ng natupok na ari-arian.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.