PatrolPH

Bahay ng tumatakbong kongresista sa Catanduanes, nilooban; mahigit P20 milyon natangay

ABS-CBN News

Posted at May 04 2022 08:26 PM

 Pinasok umano ang bahay ng dating alkalde ng Bato, Catanduanes at ngayo'y congressional candidate na si Eulogio Rodriguez sa bayan ng Bato, gabi ng Mayo 4, 2022, ng mga armadong lalaki kung saan natangay ang mahigit P20 milyong halaga ng pera, ayon sa pulisya. Retrato mula sa Catanduanes Provincial Police Office
Pinasok umano ang bahay ng dating alkalde ng Bato, Catanduanes at ngayo'y congressional candidate na si Eulogio Rodriguez sa bayan ng Bato, gabi ng Mayo 4, 2022, ng mga armadong lalaki kung saan natangay ang mahigit P20 milyong halaga ng pera, ayon sa pulisya. Retrato mula sa Catanduanes Provincial Police Office


MANILA — Pwersahang pinasok ng mga armadong lalaki ang bahay ng isang tumatakbong kongresista sa Catanduanes Martes ng gabi, kung saan natangay ng mga salarin ang mahigit P20 milyong halaga ng pera.

Pasado alas-8 ng gabi pinasok ng mga naturang lalaki ang tahanan ng dating Bato, Catanduanes mayor at congressional candidate ngayon na si Eulogio Rodriguez.

Pero wala si Rodriguez nang mangyari ang panloloob dahil abala umano ito sa pangangampanya sa Virac nang oras na iyon.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Bato Municipal Police, humigit kumulang 9 na suspek na pawang nakasuot ng military fatigue at naka-bonnet ang umakyat sa likod na bahagi ng bakod ng bahay ni Rodriguez.

Naisara pa umano ng katiwala ang pinto, subalit nagawa pa ring makapasok ng mga salarin.

Tinutukan umano ng mga ito ang 2 guwardiya, pinosasan, at pinadapa, saka kinuha ang kanilang mga cellphones at wallet.

Sa loob naman ng bahay ay inabutan ang 3 katiwala na pawang pinadapa at tinangayan din ng mga cellphone.

Ni-ransack umano ng mga armadong lalaki ang mga drawer at cabinet sa sala, at umakyat sa ikalawang palapag ang ilan para maghalughog ng mga kwarto.

Nakuha sa kwarto ang 2 kahon na naglalaman umano ng humigit kumulang P20 milyon na pera.

Tinangay rin ang mga kahon ng alak.

Mabilis umanong nakatakas ang mga suspek matapos ang insidente na halos nagtagal lamang umano ng humigit kumulang 15 minuto.

Nagpaputok pa umano ang mga suspek ng isang beses bago tulayang tumakas gamit ang dalawang hindi naplakahang gray na van.

Nagtamo ng sugat sa mukha at katawan ang isa sa mga guwardya matapos itong bugbugin ng isa sa mga suspek.

Ligtas naman ang maybahay ni Rodriguez matapos itong makapagtago.

Narekober ng mga pulis sa bahay ang 4 na posas, mga sako, at 3 piraso ng cable wire na ginamit na pantali sa kamay ng mga biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Hinihintay rin ang opisyal na pahayag ni Rodriguez sa nasabing krimen.

— Ulat ni Karren Canon

 KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.