PatrolPH

Pagturok ng Sputnik V vaccines umarangkada sa ilang lungsod sa NCR

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 02:19 PM | Updated as of May 04 2021 06:31 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Sinimulan ngayong Martes ang pagbabakuna gamit ang Sputnik V, ang COVID-19 vaccines galing Russia, sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Sa Parañaque, inokupa ng mahabang pila ng mga magpapabakuna ang 2 palapag ng mall na COVID-19 vaccination site.

Alas-10 ng umaga ang simula ng pagbabakuna pero alas-6 pa lang ng umaga, nakapila na ang ilang health workers, senior citizens at mga may comorbidity o may sakit.

Kasama sa mga unang binakunahan ng Sputnik V ang health emergency rescuer na si Regulus Palma at may comorbidity na si Louie Diaz.

"Medyo maganda naman ang pagturok pero medyo mabigat nang konti. Ramdam mo 'yong gamot," ani Palma.

"Wala naman binago sa pakiramdam," sabi naman ni Diaz.

Dalawa sa higit 1,000 tinurukan ng Sputnik V sa Parañaque ang nagsabing nahilo sila pero sinabi ng city health office na normal lang ang ganoong side effects at mawawala rin makalipas ang ilang oras o araw.

Para kay vaccine czar Carlito Galvez, patunay ang mahabang pila sa vaccination site na tumataas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna.

Nagkaroon naman ng komosyon nang sabihan ang ilang pumila na hindi na pala sila maaabutan ng bakuna ngayong Martes.

"We have comorbidities yet we were exposed. Sana sa gate pa lang kinut off na. We were given false hopes. Karamihan nagutom, hindi nakapag-CR," sabi ni Jing Risma, isa sa mga pumila pero hindi nabakunahan.

"We will be listing all of you today, lahat kayo ay babalik sa amin bukas para kayo ay mabigyan ng bakuna," sabi naman ng city health officer na si Dr. Olga Virtusio.

Nasa 1,400 ang binakunahan gamit ang Sputnik V ngayong Martes at may natitira pang 1,600 doses.

Inumpisahan na rin ang pagbabakuna ng Sputnik V sa Maynila pero para lang muna sa health care workers.

Dumating sa Santa Ana Hospital sina Health Secretary Francisco Duque III para mag-supervise ng pag-administer ng unang dose ng bakuna. 

Posibleng sa Miyerkoles ay magbakuna na rin ng Sputnik V sa Ospital ng Maynila, sabi ng city health officer na si Dr. Arnold Pangan.

Sa Taguig, 20 nasa priority list ang unang naturukan ng Sputnik V.

Ayon sa head ng Taguig immunization program, simulation pa lang ang ginawa ngayong Martes pero aktuwal nang nagturok ng bakuna.

Sa ganoong paraan aniya'y mas magiging handa sila sa mas maraming magpapabakuna simula Miyerkoles.

Sakaling may mag-back out o hindi pumasa sa screening, may nakalatag naman daw na plano ang Taguig na puwede ipalit.

Isang milyon hanggang 2 milyong dose ng Sputnik V ang inaasahang darating sa Pilipinas ngayong Mayo.

Dahil sa malamig ang temperature requirement kompara sa 2 naunang vaccine brand, dadalhin ang Sputnik V sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, Cebu, at Davao.

Ayon kay Galvez, naipamahagi na ng mga lokal na pamahalaan ang 75 porsiyento ng 1 milyong dose ng Sinovac na dumating noong dulo ng Abril.

Inaasahan niyang maaantala nang 1 hanggang 3 buwan ang dating ng COVID-19 vaccines ng Novavax, na mina-manufacture sa India, dahil sa pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 doon.

Nanindigan din si Galvez na kayang mabakunahan ang hanggang 70 milyong Pilipino bago matapos ang taon para makamit ang herd immunity sa oras na dumating ang bulto ng COVID-19 vaccines at sa tulong ng pribadong sektor.

— Ulat ni Vivienne Gulla

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.