PatrolPH

Ivermectin bilang panangga ng baboy sa ASF, pinag-aaralan ng DA

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 09:49 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Hindi pa man napapatunayan kung epektibo kontra COVID-19 ang anti-parasitic drug sa mga hayop na ivermectin, susuriin na rin ng Department of Agriculture (DA) kung epektibo ito sa mga baboy kontra African swine fever (ASF).

Sa Special Order No. 310 na inilabas ni Agriculture Secretary William Dar noong Abril 30, binuo ang inter-agency research team para sa preliminary trial.

Ayon kay Agriculture Undersecretary William Medrano, nakita sa ibang bansa na epektibo ang ivermectin bilang gamot laban sa ibang viral na sakit sa hayop.

"There are scientific literatures already na ivermectin, aside from being an effective anti-parasitic, meron din siyang antiviral effects and anti-inflammatory... Ginamit na sa other countries 'yung ivermectin sa other viral diseases ng livestock," ani Medrano. 

Uumpisahan na ang trial sa oras na magkaroon ulit ng outbreak sa ASF.

Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, hindi na kailangan ng approval nila kung sa hayop gagamitin.

Ang hog raisers naman, binatikos ang pakulo ni Dar at sinabing mas pagtuunan na lang sana ng pansin ang trial sa bakuna kontra ASF.

"Paanong mangyayaring ang gamot sa galis at bulate ay puwede mong gamitin diyan sa African swine fever?" ani Pork Producers Federation of the Philippines vice president Nicanor Briones.

Bukod sa ivermectin, may iba pang antiviral substance na isasailalim sa trial kagaya ng "ASF buster" at "cloud feed."

—Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.