Informal settlers sa Pandacan sa kalsada nakatira matapos ang demolition

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 06:46 PM


MAYNILA — Sa mga maliliit na barong-barong lang nagtitiyagang tumira ngayon ang hindi bababa sa 15 indibidwal matapos gibain ang kanilang mga tahanan sa Barangay 844, Pandacan noong Marso.

Ayon kay Neng Inosencio, isa sa mga nawalan ng tirahan, 
nag-abiso naman ang lokal na pamahalaan sa kanila sa gagawing demolition at hindi na rin sila lumaban dahil wala naman silang titulo sa lugar.

Kasama niyang nakatira ngayon sa kalsada ang kanyang asawa na suma-sideline lang sa construction kapag may nag-aalok sa kaniya.

Namamasukan rin bilang labandera si Inosencio pero hindi sapat ang pera nila para makahanap ng marerentahang bahay.

Bukod pa sa mag-asawang Inosencio, may iba pang pamilya ang nagtayo ng barong-barong. 

Isa na dito ang lolong si alyas "Louie" na may bitbit pang apo na sanggol. 

Kaligtasan at kalusugan ng kanilang pamilya ang pangunahin nilang inaalala.

Panawagan nilang lahat na sana ay mabigyan sila ng panibagong lugar na matitirahan sa lalong madaling panahon.

Wala pang tugon ang barangay matapos kontakin ng ABS-CBN News.

—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.