6 lalaki tiklo sa panghuhuli ng bayawak sa Dulag, Leyte

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 11:19 AM

Naaresto ang anim na lalaki sa panghuhuli ng mga bayawak, na kabilang sa mga threatened species, nitong Linggo sa Barangay Tabu sa bayan ng Dulag, Leyte. 

Ayon sa impormasyon ng Police Regional Office 8, napag-alamang residente ng Barangay Bagacay East sa La Paz, Leyte ang mga nahuling suspek. 

Nakatanggap umano ng tawag ang Dulag police mula kay Redentor Artugue, chairman ng Brgy. Tabu ng bayan, matapos na maaktuhan ng mga barangay officials ang mga suspek na nanghuhuli ng mga bayawak.

Agad naman rumesponde sa lugar ang mga awtoridad at nakumpirma ang pangyayari. 

Nakuha mula sa mga suspek ang 11 na mga bayawak, isang air gun, kasama ang 84 pirasong pellets nito, at isang 6-wheeler truck. 

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act. 

— Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.