PatrolPH

Mga dentista nag-aalangan magbukas ng clinics

ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 04:07 PM | Updated as of May 08 2020 10:07 PM

Watch more on iWantTFC

Nag-aalangan ang Philippine Dental Association (PDA) na magbukas muli ng mga clinic kahit pa niluwagan na ang mga patakaran sa ilalim ng mga community quarantine.

Pinapayagan ang pagbubukas ng dental clinic sa mga lugar na may enhanced community quarantine o general community quarantine.

Pero ayon kay PDA President Steve Almonte, may pangamba ang kanilang grupo dahil kulang sila sa personal protective equipment, panahon para ihanda ang mga clinic, at mga wastong kagamitan.

Sa social media, naglabas rin ng sentimyento ang ilang mga dentista matapos may ilang netizen na magreklamo dahil umano sa pagtanggi nila na tumanggap ng pasyente.

Sa ilalim ng code of ethics ng medical at dental professionals, hindi nila maaaring tanggihan ang sino mang pasyente na nangangailangan ng tulong.

Pero iginiit ni Almonte na iba ang situwasyon ngayong may banta ng coronavirus.

Umapela si Almonte ng tulong mula sa gobyerno para maging handa ang mga dentista na muling magbigay ng mga serbisyo.

May libreng online dental consultation naman na inaalok ang University of the Philippines Dental Alumni Association para sa mga may problema sa ngipin.

Kailangan lamang maging miyembro ng page na "UP Dentista Para sa Bayan" sa Facebook.

Samantala, sa tala noong Abril 30, nasa 6 na dentista ang binabantayan ng PDA dahil hinihinalang may COVID-19.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.