PatrolPH

Mass testing sa Pangasinan sisimulan sa Mayo 5

ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 01:35 PM | Updated as of May 04 2020 02:42 PM

Uumpisahan na sa Martes ang malawakang pagte-test para sa coronavirus disease (COVID-19) ng mga residente sa mga lungsod at bayan ng Pangasinan na nakapagtala ng mga kumpirmadong kaso ng sakit, ayon sa mga lokal na opisyal.

Uunahin sa testing ang mga taong itinuturing na patients under investigation (PUI) at patients under monitoring (PUM), ayon sa provincial health officer na si Anna de Guzman.

Makatutulong umano ang mass testing para malaman kung pababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Kabilang sa mga lugar kung saan magsasagawa ng mass testing ang mga sumusunod:

  • Bayambang 
  • Malasiqui
  • Uriztondo
  • Bugallon
  • Lingayen
  • San Fabian
  • Rosales
  • Asingan
  • Infanta
  • Pozorrubio
  • Binalonan
  • Laoac
  • Santo Tomas
  • Dagupan City
  • Urdaneta City
  • Alaminos City

Aabot sa 4,000 ang target na ma-test para sa COVID-19 gamit ang Polymerase chain reaction (PCR) test.

Isusunod umano ang mga health worker sa testing kapag natapos ang para sa mga PUI at PUM.

Sa huling tala, nasa 39 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa Pangasinan.

JEEPNEY DRIVERS, OPERATORS HUMILING NG TULONG

Dahil pinalawig ang enhanced community quarantine hanggang Mayo 15 sa Pangasinan, nanawagan naman ang isang transport group sa gobyerno ng tulong pinansiyal.

Ayon sa Alliance of United Transport Organization Province-Wide (AUTOPRO) Pangasinan, higit 3,000 jeepney drivers ang naghihintay ng karagdagang ayuda mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lalo at higit isang buwan na silang walang pasada.

Ayon kay AUTOPRO-Pangasinan President Bernard Tuliao, nagsumite na sila sa LTFRB ng listahan ng kanilang mga miyembro para makatanggap ng P5,500 na tulong pinansiyal.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, suspendido ang biyahe ng mga pampublikong transportasyon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

-- Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.