PatrolPH

Ilang Mangyan tumawid ng bundok, ilog para sa relief aid

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 11:13 AM | Updated as of May 04 2020 11:19 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA - Naglakad ng ilang oras pababa ng bundok at patawid ng ilog ang ilang katutubong Mangyan para makakuha ng relief goods sa Baco, Oriental Mindoro nitong nakaraang linggo. 

Pinili ng grupo na manatili sa bundok nang ilagay sa enhanced community quarantine ang Luzon nitong Marso dahil natatakot silang mahawa ng COVID-19, kuwento ng katutubong si Nardo Pangay. 

"Kung wala kami pangkape, kaunting tiis, kung wala kaming pambili ng asin, kunting tiis... Wala kami magagawa, nasunod kami sa batas. Kung hindi namin susundin ang batas mas lalo kaming kawawa dito," sabi ni Pangay, resident ng Barangay Lantuyang. 

Dagdag ni Mariana Marmon, Mangyan ng Barangay San Ignacio, nagtitiis ang marami sa tulad niyang mga magulang para matiyak na makakain nang sapat ang kanilang mga anak. 

"Ang aming maliliit na bata ay nakakakain ng 3 beses isang araw pero kami po na mga magulang talagang 2 beses lang kami kumakain. Amin pong tinitipid ang bigas dahil nilalaan namin ito sa maliliit pang mga bata," sabi niya sa panayam ng DZMM. 

Nitong Biyernes, bumaba ng bundok sa unang pagkakataon mula noong Marso sina Marmon, Pangay at iba pang katutubo para makakuha ng kalahating kabang bigas. Sa kabuuan, nasa 2,000 pamilyang Mangyan mula sa 4 na barangay ang nakatanggap ng naturang ayuda mula sa lokal na pamahalaan. 
 
"Kami ay lubos na nagpapasalamat hanggang sa kataas-taasan dahil sa boung buhay namin ngayon lang kami nakatanggap sa ganitong pagkakataon," ani Pangay. 

"Nahihirapan po talaga kami kaya salamat po sa pamahalaan na may pusong tumulong sa mga katutubo, pagpalain sila ng Diyos," dagdag ni Marmon. 

Nakahanda na ang pangalawang batch ng ayudang isang sakong bigas, 1 kilong manok, 12 itlog, 6 piraso ng delata at kape bawat pamilya. Prayoridad ng lokal na pamahalaan na hatiran ng tulong ang mga katutubo, ani Baco Mayor Reynaldo Marco. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.