PatrolPH

DILG iginiit na lumabag si Jinggoy sa quarantine guidelines

ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 03:32 PM | Updated as of May 04 2020 07:09 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes na lumabag si dating senador Jinggoy Estrada sa mga patakaran ng enhanced community quarantine (ECQ) nang magsagawa siya ng relief operation sa San Juan nang hindi nakikipag-ugnayan sa city government.

Dinala sa police station noong Linggo si Estrada, na namigay ng libreng bangus sa ilang pamilya sa San Juan.

"Naintindihan naman natin 'yung kagustuhan ni former senator Jinggoy na makatulong pero dapat ay ayon ito sa legal na pamamaraan at sa panuntunan ng ECQ guidelines," ani Interior Secretary Eduardo Año.

Ayon kay Estrada, pinupulitika siya ni San Juan Mayor Francis Zamora.

"Wala daw ako permit. Namimigay lang tayo ng bangus...Bakit ako hinihingan ng permit? Why single me out? It's plain harassment," ani Estrada.

Itinanggi naman ni Zamora ang paratang ni Estrada.

"There's no politics involved here. What I don’t understand is (former) Sen. Estrada has been repeatedly doing all of these without any coordination with the local government, without securing any permits," ani Zamora.

Kinuwestiyon din ni Zamora kung bakit hindi humingi ng permit si Estrada gayong ang anak nito na si dating San Juan vice mayor Janella Estrada ay nag-apply ng permit para sa kaniyang mobile botika noong Abril 29.

Noong unang linggo ng Abril, ipinatigil ni Zamora ang rolling store na proyekto ni Estrada at anak na si Janella dahil wala rin umanong permit.

Ayon din sa San Juan police, dapat kumuha muna ng sertipikasyon si Estrada sa tanggapan ni Zamora.

Ayon kay Philippine National Police Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, nagpakita ng maximum tolerance ang pulisya sa paghawak sa insidente.

"Binigyan na lamang ng stern warning si dating Sen. Jinggoy Estrada na makipag-ugnayan sa LGU (local government unit) kung ito’y mamamahagi ng pagkain at sumunod lagi sa panuntunan ng social distancing na ipinapatupad sa ilalim ng ECQ," ani Banac sa pahayag.

Dumistansiya naman ang Malacañang sa isyu.

Magkalaban sa politika sa San Juan City ang pamilya Estrada at Zamora. 

Noong nakaraang halalan ay nasungkit ni Zamora ang pagka-alkalde ng lungsod, na dekadang nasa ilalim ng pamumuno ng mga Estrada. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.