SOCO: Dalagita natagpuang patay sa loob ng kuwarto sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 03:58 PM | Updated as of May 04 2019 04:00 PM

Natagpuang duguan, tadtad ng saksak, at wala nang buhay ang 16 anyos na dalagitang si alyas "Ariza" sa loob ng sarili nitong kuwarto sa Cabatuan, Iloilo noong Pebrero 14.

Ang ina ng biktima na si alyas "Glenda" ang unang nakakita sa dalagita. 

Halos nanlumo daw siya nang makita ang karumal-dumal na sinapit ng anak. 

"Nakita ko, mayroon siyang sugat dito sa noo, dito sa leeg. Tsaka binuksan ko 'yung tuwalya sa tiyan, nakita ko lumalabas 'yung bituka. Doon ko nakita na parang hindi ko kayang tingnan ito," dagdag ng ina. 

Batay sa postmortem examination, nagtamo ng multiple hack wounds, stab wounds, at incised wounds ang biktima.

Ayon sa kanilang pagsisiyasat, sinabi ng pulisya na maaaring kilala ng biktima ang salarin at pamilyar ito sa bahay nila. 

Naniniwala rin silang pagnanasa ang motibo sa kaso dahil sa naitalang defense wounds sa bangkay ng biktima.

"Wala pong forcible entry. Pagpasok natin sa pintuan, tiningnan natin 'yung doorknob, OK naman. Walang sira," ayon kay Police Capt. Sullen Domingo ng Cabatuan police.

Sa gitna ng imbestigasyon, nakausap ng mga awtoridad ang isa sa mga kapitbahay ng biktima na may mahalagang impormasyon noong gabi bago mangyari ang krimen.

"February 13, gabi... Nanonood ako ng TV, tapos may narinig akong sigaw, mga three times siguro na sigaw," kuwento ni alyas "Mario."

Nang hanapin ang pinagmulan ng ingay, nakita ni Mario ang lalaki na lumabas sa isang bakanteng lote sa tabi ng bahay nina Ariza. Wala itong t-shirt at agad-agad umalis sakay ng motor.

Kinilala ang naturang lalaki na si Gringo Morales alyas "Niko." Nang arestuhin ay narekober sa kaniya ang murder weapon.

Dahil sa mga nakalap na ebidensiya at testimonya, sinampahan ng kasong murder at robbery ang suspek, na ngayon ay nakakulong na. 

Patuloy naman ang pagdadalamhati ng pamilya ni Ariza sa sinapit ng dalagita. 

"Araw-araw, sinasabihan ko siya sa picture, pumupunta ako sa puntod niya. Sabi ko, 'Huwag kang mag-aalala. Mahal na mahal ka namin ng papa mo.' Lahat gagawin ko para managot siya. Doon na lang siya, di na siya makalabas," pangako ni Glenda.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.