Nag-iinuman at nagkakasiyahan lang noong Abril 23 ang apat na magkakabarkada sa Putatan, Muntinlupa nang bigla silang dukutin ng mga armadong lalaki at isakay sa isang puting van.
Ngunit sa mga sumunod na araw, isa-isang natagpuan ang mga bangkay ng tatlo sa iba't ibang lugar ng Pampanga, Pangasinan, at Nueva Ecija.
Pare-parehong nakagapos ang kamay sa likod, may balot ng packing tape ang mukha na may babalang "huwag tularan" at may mga tama rin ng bala sa ulo at katawan.
"Iyung kanilang ulo at may mga placard na nakalagay na sila ay involved sa carnapping, illegal drugs, at motornapping," ayon kay Chief Inspector Gideon Ines Jr. ng Muntinlupa police.
Ayon sa inisyal na impormasyong nakalap ng mga pulis, nag-iinuman daw noon sina Albert Abalos, Jayson Santos, Joshua Anzures, at menor de edad na si Christian Reburiano nang dukutin sila at sapilitang isinakay sa isang puting L-300 van.
Sa CCTV na nakuha ng Muntinlupa police sa barangay, nahagip pa ang puting van na umano'y kumuha sa mga biktima. Sa isa pang CCTV sa National Road sa Putatan, nakita rin nang dumaan ang van.
Matapos ang tatlong araw ay sunod-sunod nang nakita ang katawan ng mga biktima.
Unang natagpuan ang bangkay ni Santos sa Apalit, Pampanga, sumunod si Abalos sa San Jose, Nueva Ecija, at pangatlo si Anzures sa Lingayen, Pangasinan.
Sa background investigation ng Muntinlupa police, lumalabas na nasa drugs watch list nila sina Santos at Anzures.
Nagtataka naman sila dahil walang record sa kanila si Reburiano.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap si Reburiano kaya't nagmamakaawa ang mga magulang nito dahil inosente daw ang anak nila.
"Parang awa niyo na po kung sino ang nakakakilala, pakituro na lang po, walang kinalaman ang anak ko diyan," ayon sa ama ni Christian na si Renier Reburiano.
Paliwanag naman ng ina ni Christian na si Ding Reburiano, maaaring nadamay lang ang anak nila na nakipag-inuman noon.
"Iyan kasing isang dinukot, nag-aalaga ng manok. Siya (Christian) ang nagpapakain sa manok sa umaga at sa hapon...Napapabarkada lang siya sa mga matatanda," ani Ding.
Panawagan ng pamilya at pulisya, kung may impormasyon ang sino man, maaaring ipagbigay-alam ito sa Muntinlupa police sa numerong 550-1834.
"Wag niyo na pong pahirapan po kami...Kung sino man po ang dumukot sa anak ko, maawa naman po kayo bata pa siya...Maawa po kayo wala naman pong kasalanan ang anak ko," pakiusap ni Renier.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Muntinlupa police sa grupo na dumukot sa apat na lalaki.
--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, TV Patrol, krimen, salvage, inuman, drugs watch list, Muntinlupa police, crime, balita, CCTV, Pampanga, Pangasinan, Nueva Ecija