PatrolPH

China, tuloy sa paglagay ng estruktura sa West PH Sea

ABS-CBN News

Posted at May 04 2018 10:13 PM

Watch more on iWant or iWantTFC

Kung ang isang propesor ang tatanungin, malabo nang mabawi pa ng Pilipinas ang mga lugar sa West Philippine Sea na inokupa ng China, kung pagbabasehan ang mga larawang nagpapakita na inimbakan na ito ng sari-saring missile. 

"We are now at the mercy of China so it's very important that we cultivate and enhance friendly ties with China so we can access those waters belonging to our EEZ (exclusive economic zone)," ani Professor Rommel Banlaoi ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research.

Matagal nang ipinapakita ni Banlaoi ang mga larawang inilabas kamakailan ng international media kaya't hindi na siya nagulat dito.

Tantiya niya, may isang taon na ang mga estruktura na dinagdag ng China sa mga sinakop nilang lugar sa West Philippine Sea.

"But [one photo] showed a detailed picture of those missiles and even the name of those missiles, anti-ship cruise missile, that has the capability of targeting its enemy as far as 205 nautical miles,” babala ng propesor.
    
Para naman kay Magdalo Rep. Gary Alejano, indikasyon ito na handang makipagbakbakan ang China para hindi na sila mapaalis.

"Iyung paglagay ng anti-air at saka anti-ship missiles effectively sinasabi nila sa iyo na, 'pag chinallenge kita, umalis ka at mayroon kaming capability na bombahin ka namin,'" ani Alejano. 

Tingin naman ng Bayan Muna party-list, umpisa lang ito ng dahan-dahang pagsakop ng China sa Pilipinas.

"China is effectively implementing a creeping invasion of the Philippines, unfortunately, without even a whimper of protest from the Philippine government,” ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Sabi naman ng Palasyo, nababahala rin sila sa balita at gagamit daw ang bansa ng lahat ng diplomatikong paraan para matugunan ang isyu.

"We are concerned with the reported China’s missile deployments over the contested areas in the West Philippine Sea...Be that as it may, we would explore all diplomatic means to address this issue," ayon sa pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque.

Kumpiyansa rin daw siya na hindi nakatutok sa Pilipinas ang mga missile na nilagay ng China sa West Philippine Sea.

"With our recently developed close relationship and friendship with China, we are confident that those missiles are not directed at us," ani Roque.
    
Nagbabala naman ang US na handa itong harangin ang paglalagay ng gamit pangmilitar ng China sa mga isla.

"We're well aware of China's militarization of the South China Sea. We've raised concerns directly with the Chinese about this, and there will be near-term and long-term consequences, and we'll certainly keep you up to date," ani White House spokesperson Sarah Sanders.

Tiniyak rin ng Amerika na tuloy ang paglalayag nila sa mga lugar na sakop ng international law at nanindigan sila sa mutual defense treaty sa Pilipinas.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.