Bakit mahirap gawing regular ang mga contractual sa gobyerno?

ABS-CBN News

Posted at May 04 2018 06:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga pribadong manggagawa, problema rin ang kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Ngunit hindi umano ganoong kadali ang regularisasyon sa gobyerno.

Ito ang ipinaliwanag ni Atty. Noel del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Huwebes.

Ayon kay Del Prado, kailangan ay magpasa muna ng batas para gawing regular ang mga government worker. 

Pero ayon sa abogado, mahirap pa rin ito kahit may batas na.

"Sa tingin ko, kahit may batas, hindi pa rin ganoon kasimple, unang-una, kapag nagtatrabaho ka sa gobyerno, 'yung suweldo mo ay galing sa pondo ng gobyerno," sabi ni Del Prado.

"Kailangan ng batas bago ka magkaroon ng item o suweldo sa gobyerno," dagdag nito.

Dapat din aniya ay sumunod ang mga contractual sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.

Nakasaad dito na hindi puwedeng gawin ng mga contractual ang mga ginagawa ng mga regular na empleyado sa gobyerno.

"Kasi nga pang-emegency lang sila. Halimbawa, nagkaroon ng bagyo, nagha-hire ng temporary workers para maglinis sa kalsada, mag-ayos ng mga nasira ng bagyo, hindi sila maituturing na regular na empleyado ng gobyerno," paliwanag ni Del Prado.

Kaibahan ng private workers at government contractual

Ayon pa sa abogado, may pagkakaiba rin ang mga manggagawa sa pribadong sektor at mga contractual sa gobyerno kaya mas mahirap ang regularisasyon sa mga government worker. 

"Kasi ang limitasyon din dito, lahat ng kontrata ng job orders at contract of service, kailangang isang taon lang, pero sa katotohanan, itong mga job orders na ito, hindi lamang isang taon, tumatagal na sila ng paulit-ulit ng renewal of contract," paliwanag ni Del Prado.

"Pero ang kaibahan nito, hindi kagaya sa pribado na kapag lumagpas ka ng anim na buwan regular ka na, sa gobyerno mas maraming kailangan," dagdag nito.

Aniya, isa sa mga rekisito upang maging regular sa gobyerno ang pagkuha ng Civil Service Eligibility exam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.