Bahagi ng EDSA, binaha dahil sa sirang tubo ng tubig

ABS-CBN News

Posted at May 04 2018 09:41 AM

MANILA - Rumagasa ang tubig sa isang bahagi ng northbound lane ng EDSA dahil sa nag-leak na tubo ng tubig na hindi pa rin nakukumpuni sa loob ng 5 araw.

Noong Lunes pa nagkaroon ng tagas ang linya ng Manila Water mula sa Pioneer sa Mandaluyong hanggang sa Guadalupe Bridge, ani Dittie Galang, Communications Planning and Tactical Development Manager ng Manila Water.

Ang nasirang tubo ay service line ng isang mall at hotel na malapit sa lugar, sabi ni Galang.

Huwebes ng gabi ng sinimulang gawin ang tubo ngunit hindi ito natapos kaya inabutan sila ng pag-agos ng malakas na pressure ng tubig, Biyernes ng umaga, dagdag ni Galang.

Ayon sa Manila Water, posibleng Biyernes ng hapon pa maayos ang sirang tubo dahil kailangan muna nilang hintayin na humina ang demand ng tubig.

Pansamantalang naglagay ng mga kahoy, mesa at upuan ang mga opisyal upang makatawid ang mga taong dumadaan sa binahang lugar.

- ulat mula kay Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.