Binigyan ang mga e-sabong operator ng hanggang Miyerkoles para ihinto ang kanilang operasyon matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa nasabing sugal.
"The secretary is giving online operators until tomorrow to wrap up online operations," sabi ngayong Martes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Jonathan Malaya, na tinutukoy si DILG Secretary Eduardo Año.
"Sana po maintindihan ng ating mga kababayan that the social cost of itong e-sabong na ito has become so high. The economic benefits could not outweigh the social cost," dagdag niya.
Bago nito, ipinag-utos ni Duterte na ipatigil ang e-sabong, base na rin sa rekomendasyon ng DILG.
"'Yong amin lang sana, buwis lang ang hinabol namin dito, P640 million. But may naririnig na ako, loud and very clear to me that it was working against our values," ani Duterte.
Ayon kay Duterte, may negatibong social impact ang e-sabong sa mga Pinoy.
Kamakailan, naiulat ang mga nawawalang sabungero, pulis na nangholdap ng gasolinahan, at inang ibinenta ang sariling anak matapos mabaon sa utang — mga problemang nag-ugat sa pagkakalulong sa e-sabong.
Hati naman ang reaksiyon ng publiko sa utos ng pangulo.
"Nakakasira ng trabaho 'yan. Wala naman panalo riyan e. Lahat talo," sabi ni Nel Ravena, na hindi pabor sa e-sabong.
"May mga pamilya na kasing nadadamay, kasi imbes na ibibili ng bigas, isusugal pa," sabi naman ni alyas "Nining."
"Nakikinabang ako riyan... nananalo," sabi ng isang tumataya sa e-sabong.
Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), naghihintay pa rin sila ng "official communication" ukol sa pagpapatupad ng bagong utos.
"We will for the official communication kung paano ba natin isasagawa 'yong, 'ika nga, pag-i-inspect at pagmo-monitor kung mayroon pa pong existing na mga e-sabong operation," sabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo.
Kasama rin ang Philippine Amusement and Gaming Corporation sa pagpapatupad at magkakaroon ng formal memorandum, ayon kay Chairperson Andrea Domingo.
Sa Maynila, ilang off-cockpit betting station ang bukas pa ngayong Martes pero wala nang palabas na sabong.
— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.