PatrolPH

Truck nahulog sa bangin sa Quezon; mag-ama patay

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 03 2022 01:45 PM

Retrato mula sa Realeño Rescue.
Retrato mula sa Realeño Rescue.

Patay ang isang driver at anak niya matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang truck sa Real, Quezon noong Lunes.

Sa ulat ng Real police, kinilala ang mga nasawi bilang sina Alfonso Castro, 41, at kaniyang anak na si Allen, 21. Pareho umano silang residente ng Baliwag, Bulacan.

Base sa imbestigasyon, binabagtas ng truck ang pababang highway patungo sa direksiyon ng Infanta nang mangyari ang aksidente bandang alas-7:45 ng umaga. 

Nagdire-diretso umano ang truck sa pakurbadang daan na walang mga harang, hanggang sa bumangga sa mga puno at nahulog sa banging may lalim na 40 talapakan.

Nagkawasak-wasak ang truck na may kargang animal feeds at naipit sa loob ang mga biktima.

Tumagal nang 3 oras bago nahugot ng rescue team ang mga biktima, na itinakbo sa rural health unit pero idineklara ring dead on arrival.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.