PatrolPH

Nahahawa ng COVID-19 sa NCR bahagyang nabawasan, pero marami pa rin

ABS-CBN News

Posted at May 03 2021 09:49 PM

Watch more on iWantTFC

Ramdam na ng Department of Health at isang grupo ng mga eksperto ang epekto ng ipinatupad na mahigpit na lockdown sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. 

Kung datos lang ang pagbabasehan, nagkakaisa ang DOH at OCTA Research Group na talagang bumaba na ang bilang ng mga nagkakasakit sa National Capital Region (NCR).

Noong unang bahagi ng Abril, kung kailan naitala ang pinakamataas na bilang ng mga kaso, ang average daily attack rate ng NCR ay 34 na bagong positibo sa kada 100,000 populasyon.

Pero mula Abril 18 hanggang Mayo 1, nakitang bumaba ito sa 25 na bagong positibo sa kada 100,000 populasyon.

Ayon sa DOH, mataas pa rin ang bilang na 25.

"While this is an improvement, this is still beyond the 7 per 100,000 threshold that we have set for high risk classification," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

"Nais po nating bigyang diin na hindi pa hudyat o signal ito na maari na tayong maging pabaya sa pagsunod sa ating public health standards," dagdag ni Vergeire.

Ayon naman sa ulat ng OCTA Research Group, bumaba na ang reproduction number ng NCR sa 0.83, at mula sa higit 5,500 na daily average cases noong unang bahagi ng Abril, nasa 3,144 na lang ito nitong nakalipas na 7 araw.

Sa kabila ng pagganda ng datos, hindi pa rin umano basta-basta magluluwag sa general community quarantine (GCQ) ang "NCR Plus."

"We have parameters. 'Pag sinabi, health care system capacity, kailangan low risk para tayo ay GCQ. Ang health care utilization, dapat nasa less than 50 percent para masabing we have low risk," ani Vergeire.

"When we talk about mga kaso, dapat ang average daily attack rate ay 7 or less para masabi nating low risk tayo. At dapat ang 2-week growth rate, dapat makita natin mayroon tayong negative growth," aniya.

Sa ngayon, ang ibang pasilidad sa NCR, maliban sa ward beds, ay nananatiling mataas sa 50 porsiyento ang utilization rate. Mataas din sa 7 ang daily attack rate.

Bagaman nananatili namang mababa sa 2 porsiyento ang case fatality rate o bilang ng pumapanaw sa sakit, aminado si Vergeire na mataas ang bilang ng mga namatay nitong Abril dahil na rin sa dami ng tinamaan ng virus.

Ngayong Lunes, nakapagtala ang DOH ng 7,255 bagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 1,062,225, kung saan 69,466 ang active cases o may sakit pa rin.

Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na posibleng maranasan ng Pilipinas ang mas mabagsik na epekto ng virus tulad ng nangyayari sa India.

Pero mangyayari lamang umano ito kung mawawala ang pag-iingat sa mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Hindi pa rin naman nade-detect sa Pilipinas ang B1617 variant ng virus na unang nakita sa India.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.