PatrolPH

Grupo ng employers tutol sa panukalang 'mental health leave' ng mga manggagawa

ABS-CBN News

Posted at May 03 2021 06:41 PM

MAYNILA — Hindi sang-ayon ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa isinusulong na 5 araw na "mental health wellness leave" ngayong pandemya.

Isang 5-day leave ang panukala sa Kamara habang 10 araw naman ang inihain sa Senado.

Pero paliwanag sa TeleRadyo ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis, bukod sa hindi kakayanin ng mga employer ito, napakadami na umanong leave ng mga empleyado, lalo na raw ang mga babae. 

"Napakadami na (leave), lalo pa nga sa mga babae. 'Pag kinuwenta mo 'yung mga leave, pati maternity leave, halos wala nang matira sa pagtatrabaho," ani Ortiz-Luis.    
    
Karamihan din ng mga empleyado ngayon ay naka-work-from-home na kaya hindi na kailangang mag-leave, aniya.
    
Ayon kay Oritz-Luis, imbes na leaves, mas dapat gawing prayoridad ngayong pandemya kung paano makakalikha ng mas maraming trabaho.

"Isipin muna natin, paano makakagawa ng jobs at paano gaganda ang ating trabaho para marami sa atin ay makapasok. Hindi 'yung kung ano-ano ang iniisip natin. Madami na ngayong nagsara na kompanya, lalagyan mo pa ng ganyan, lalo na hindi magbubukas 'yung mga 'yun," sabi niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.