PatrolPH

2 minero patay sa pagguho sa minahan sa Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at May 03 2021 10:58 PM | Updated as of May 04 2021 01:41 AM

PARACALE, Camarines Norte — Nalibing ng buhay ang dalawang minero nang gumuho ang bahagi ng bulubundukin na pinagmiminahan nila sa bayan ng Paracale, Camarines Norte.

Kinilala ang mga nasawi na sina Dante Cereno at Danilo Castelar. Nakaligtas ang dalawa nilang kasama dahil maaga silang nag-break sa trabaho para mananghalian.

Ayon sa hepe ng Paracale Police na si Police Major Elezaldy Calingacion nitong Lunes, nagsasagawa ng open-pit mining ang apat na lalaki sa naturang minahan sa Purok 1, Barangay Casalugan noong Biyernes nang mangyari ang aksidente.

Nasa mas mababang bahagi ng bulubundukin ang open-pit mining na gumagamit ng maraming tubig para maihiwalay ang lupa sa mga maliliit na bato na posibleng may mga ginto.

“Ano 'yun, naghahanap ng treasure sa canal na malalim. 'Yan ang ano, na sa parteng mga bundok ng Paracale. Sige ang hanap nila sa mga canal ng mga sinisisig na mga lupa,” ani Calingacion.

Aniya pa, lumambot ang lupa sa ibaba, kaya gumuho ang itaas na bahagi ng bulubundukin.

“Nung nasa ilalim na sa canal, nagkukutkot, naghahanap ng treasure, eh biglang bumagsak yung lupa, eh di natabunan sila siyempre. May tubig hanggang nalunod na,” ani Calingacion.

Halos isang oras din umano ang lumipas bago nahukay ng rescuers ng Paracale-MDRRMO sa sampung talampakang guho ang mga biktima, kaya hindi na rin naisalba sa ospital.

--Ulat ni Jonathan Magistrado

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.