2 anyos sa Davao Oriental patay nang mabulunan sa jelly candy

ABS-CBN News

Posted at May 03 2021 03:34 PM | Updated as of May 03 2021 03:55 PM

Patay ang isang 2 taong gulang na lalaki matapos umanong malunok nang buo ang isang jelly candy sa Mati City, Davao Oriental noong nakaraang linggo. Retrato mula kay Kristine Cercado

Nagdadalamhati ang pamilya Cercado sa Mati City, Davao Oriental dahil sa pagpanaw ng 2 taong gulang nilang miyembro na si Ash.

Noong Miyerkoles, binawian ng buhay si Ash matapos malunok nang buo ang isang jelly candy. Isinugod pa ang bata sa St. Camillus Hospital.

Kuwento ng inang si Kristine Cercado, nasa trabaho siya noon sa bayan ng Baganga, na 2 oras ang layo mula sa Mati, kaya naiwan ang bata sa pangangalaga ng lola nito.

"Tumawag ang nanay ko sa akin na umiiyak. Sinabihan niya ako na nabulunan ng candy ang bata," kuwento ni Kristine.

Kinausap pa ng ina si Ash habang nasa emergency room, kung saan natanggal rin ang kendi na bumara sa kaniyang lalamunan.

Pero bago pa man mailipat sa ward, hindi na aniya humihinga ang bata. Sinubukan pa umanong isalba ng mga doktor at nars si "Ash" pero hindi na umano nito nakayanan.

"Gumuho ang mundo ko sa pagkawala niya," sabi ni Kristine, na inilarawan ang kaniyang anak bilang mabait at malambing.

Bumuhos naman ang pakikiramay at tulong sa pamilya sa pamamagitan ng social media.

Nakatakdang ilibing si Ash sa Mayo 8.

— Ulat ni Hernel Tocmo

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.