PatrolPH

Online fundraising concert sa Butuan City nakalikom ng higit P16 milyon

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 05:41 PM

BUTUAN CITY — Umabot sa mahigit P16 milyon ang nalikom na donasyon ng Father Saturnino Urios University (FSUU) Foundation, Diocese of Butuan, at lokal na pamahalaan ng lungsod na ito sa isinagawa nilang online concert noong Biyernes sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang online concert, na nagtagal nang 4 oras, ay isang donation drive para sa COVID-19 relief efforts ng Butuan City.

Bida sa online concert ang mga sikat na singers na taga-Butuan na sina Lance Buca, Hannah Hakami, at Jay Roy Asedilla.

Hindi rin nagpahuli sa pag-perfrom sina Jason Dy at Elaine Duran na live nagtanghal sa pamamagitan ng Zoom.

Special guest din ang grupong JAGMAC na nagtanghal pa via Zoom mula sa Maryland, USA.

Hindi naman maikaila ng pamunuan ng FSUU ang galak sa laki ng salaping nalikom sa kanilang fundraising concert.

"Of course we are very happy with the results because it was a resounding success given the fact that we are not professional production team and we are able to mount up with something like that and what's important is that we are able to raise that particular amount," ani Fr. Kits Butardo, vice president for administration ng pamantasan.

Sa online fundraising activity, kailangang tumawag ang gustong mag-donate para malaman nila ang iba't ibang bank account details ng FSUU Foundation kung saan sila magpapasok ng pera.

Kahit natapos na ang online concert, maaari pa ring tumanggap ng donasyon ang FSUU Foundation hanggang Miyerkoles.

Inaalay din ang nasabing online concert bilang pasasalamat sa mga frontliner na nagsakripisyo sa panahon sa COVID-19 pandemic.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.