PatrolPH

Inbound commercial flights sa 9 paliparan suspendido nang isang linggo

ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 02:52 PM | Updated as of May 03 2020 05:45 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Suspendido nang isang linggo ang lahat ng inbound commercial flights sa 9 na paliparan sa bansa simula Linggo matapos itong hilingin ng task force na binuo ng gobyerno para tugunan ang krisis sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, tanging mga inbound flight lang ang sakop ng suspensiyon, na nagsimula alas-8 ng umaga ngayong Linggo.

Ang mga international flight na nais lumapag o umalis ay dapat humiling ng exemption mula sa CAAP Operations Center 36 oras bago ang nakatakdang pag-alis mula sa panggagalingang paliparan, sabi ng CAAP sa pahayag.

Sakop ng utos ang mga flight sa international airports sa Maynila (Ninoy Aquino International Airport), Davao, Clark, Iloilo, Mactan-Cebu, Zamboanga, Kalibo, Laoag, and Puerto Princesa.

Tuloy pa rin ang biyahe ng cargo flights, sweeper flights, medical flights, utility flights, at maintenance flights, ayon sa pahayag ng CAAP.

Ayon sa CAAP, nakatanggap sila ng sulat mula kay Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Task Force on COVID-19, na hiniling ang suspensiyon ng flights dahil sa dami ng mga Pilipino na nire-repatriate o umuuwi ng bansa.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng National Task Force ng COVID-19 na exempted din sa suspensiyon ang emergencies while en route, weather mitigation flights at sweeper flight para sa mga dayuhang ire-repatriate ng kanilang mga bansa.

"This decision is meant to decongest our quarantine facilities to protect our people by preventing the further spread of COVID-19 and also ensure that our overseas Filipino workers (OFWs) are well taken cared of when they arrive from abroad," sabi ng task force.

Hindi na umano kakayanin ng mga quarantine facility ang dami ng mga umuuwing OFW, na sa huling tala ay 20,000 na.

Nasa 40,000 OFWs ang inaasahan pang uuwi ng bansa, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

"Pakiusap ko sa DFA (Department of Foreign Affairs) at OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), pigilin muna hangga't 'di tayo handa rito. Ang key rito, are we prepared to receive these OFWs? Pag hindi pa, tigilin muna natin sila doon," ani Lorenzana.

Umaasa rin si Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral Joel Garcia na makatutulong ang 7-day flight suspension para mabawasan ang dami ng OFWs na nasa quarantine facilities.

Katuwang ang PCG sa pangangasiwa sa quarantine facilities ng mga umuuwing OFW.

"Itong window of opportunity for 7 days ay sana tamang-tama lang po na mabigyan po tayo ng oportunidad na ma-swab test po ito," ani Garcia.

Ngayong Linggo, umabot na sa 9,223 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 1,214 ang gumaling habang 607 ang namatay.

-- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.