PatrolPH

Ilang residente sa Puerto Princesa, ibinalik ang sobrang ayuda mula sa gobyerno

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 10:58 PM | Updated as of May 04 2020 12:36 AM

PUERTO PRINCESA CITY - Ilang mga residente ng Puerto Princesa City ang kusang ipinatanggal ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga makakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan matapos mauna nang makatanggap ang kanilang kapamilya.

Sinadya ni Maria Permaran ang barangay hall ng Barangay San Pedro para ipakansela ang makukuhang P5,000 mula sa social amelioration program. Nauna na kasing nabigyan ng ayuda ang kaniyang asawa.

Ani Permaran, binigyan siya ng form ng mga taga-Department of Social Welfare and Development para sa SAP. Pero nauna umanong nakakuha ang kaniyang asawa ng ayuda kaya ipinakansela na lamang niya ang dapat na makukuhang pera.

Bagama't pareho sila ngayong walang hanapbuhay, mabuti na raw na ibigay na lang ang sobra sa iba pang tulad nilang nangangailangan.

“Gusto ko lang mag-honest na lang, para mabigyan din ang iba na nangangailangan,” ani Permaran.

Isa rin si Reymart Gacayan sa mga pumunta ng barangay upang ipakansela ang kaniyang pangalan sa mga benepisyaryo, matapos makakuha na rin ng SAP mula sa ibang barangay.

"Hindi ko na po ike-claim yung P5,000 po na matatanggap ko sa Social Amelioration Program dahil nag-doble na po yung pangalan ko. Naka-claim na po ako sa Barangay Sta. Lucia. Ibinabalik ko po yung pera para makatulong sa iba para po sa higit na mas nangangailangan," aniya.

Sila ang unang mga residente ng Barangay San Pedro na nagpasyang magbalik ng kanilang sobrang nakuhang ayuda, kaya naman natutuwa ang barangay sa kanilang ipinakitang katapatan.

“Tayo po’y lubos na natutuwa sa ginawa po ng aming kabarangay na nagbalik. Sana po ay tularan siya ng mga iba pang kabarangay natin na kung may doble naman po diyan or nakatanggap na po ng ibang benepisyo ay maaring naman po nilang ibalik na lang po. Para mapunta naman doon sa mas higit na ngangailangan po,” ani Kagawad Roy Oniot, Jr. ng Barangay San Pedro.

Ipinagpapasalamat naman ng City Social Welfare and Development Office ang naging kabutihang loob nila Permaran at Gacayan, dahil ang kanilang pagbabalik ay malaking tulong sa iba.

“Masaya po kami kasi kung baga, hindi nila hinayaan na magdoble sa kanilang pamilya which is iyon po yung pinakamaganda dahil may iba pa pong family na nangangailangan pa po. So, yung ibinalik niya po… Kung baga pina-cancel niya na yung name niya, mabibigay pa po ito sa mas nangangailangan pa na iba na hindi nakasama po dito sa SAP na program,” ani Ruth Regla, Social Welfare Officer 1 ng CSWD.

Isang pagsaludo umano ito sa kabutihang loob ng ilang mga kababayan na sa kabila nang nararanasang hirap ay pinaiiral pa rin ang pagiging tapat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.