PatrolPH

Ilang 'nakaluluwag' na SAP beneficiaries na tumanggi sa ayuda hinangaan

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 03:27 PM

PANABO CITY, Davao del Norte — Hirap man sa buhay ang pamilya ni Jerry Donaire, residente ng Barangay Cabay-angan sa lungsod na ito, dahil sa kakarampot na suweldo bilang construction worker, nagawa pa rin nilang magsakripisyo para sa iba pang mas nangangailangan sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.

Isa si Donaire sa nakalista bilang benepisyaro ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan. 

Pero dahil may kita namang P1,800 kada linggo at may misis sa Saudi Arabia na nagpapadala ng sustento, minabuti ni Donaire na huwag na lang tanggapin ang cash aid na nakalaan sa kaniyang pamilya. 

"Tinanggihan ko dahil may mas nangangailangan pa sa akin. Nakakakain pa naman kami, tatlong beses sa isang araw. Para makatulong din ako," giit ng trabahador. 

Maliban kay Donaire, 4 na residente pa sa lungsod ang tumanggi sa cash aid para makatulong sa iba. 

Kaya naman umani sila ng papuri dahil sa pagpapakita ng malasakit sa kapwa. 

"Babalik sa pondo ng LGU ito, maghahanap na naman ng qualified para maging beneficiary sa program," paliwanag ni Jay Arias, Project Development Officer ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). 

Sa ilalim ng SAP, bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda ang mga kwalipikadong pamilya na sapul ng krisis sa COVID-19. 

Sa huling tala noong Sabado, umabot na sa 8,928 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 1,124 ang gumaling habang 603 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.