PatrolPH

Delivery driver huli matapos umanong rumaket bilang drug courier

ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 10:13 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Arestado sa Sampaloc, Maynila ang isang driver ng kilalang app na nagsisilbi umanong courier ng ilegal na droga sa gitna ng lockdown na ipinatutupad kontra pagkalat ng COVID-19.

Pinasok ng pulisya ang bahay ng Angkas driver na si Joshua Alfonso at ng drug supplier umanong si Michael Aquino.

Ayon sa intel info ng pulisya, hindi pagkain ang dini-deliver ni Alfonso kung hindi droga.

Narekober sa 2 suspek ang 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000.

Umamin ang driver na sinubukan niya lang naman daw ilusot ang droga lalo't hirap daw siyang kumita ngayong may lockdown.

"Hindi ko naman ito palagi ginagawa," aniya.

Ayon sa pulisya, modus ng mga kawatan ngayon na magpanggap na delivery guy lalo't pinapayagan itong hanapbuhay sa gitna ng lockdown.

"Modus nila ngayong may ECQ na magpanggap na pagkain o necessity ang ide-deliver, iyun pala droga," sabi ni Police Lt. Col. John Guiagui, hepe ng Sampaloc police.

Kinasuhan ang 2 ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isang pahayag, iginiit ng Angkas na hindi nila papalampasin ang mga ilegal na gawain sa ilalim ng kanilang plataporma.

"We would like to emphasize that Angkas has never condoned any kind of illegal activity of our bikers. We have placed the rider concerned under preventive suspension as we cooperate with the authorities on their investigation," ani George Royeca, chief transport advocate ng Angkas.

Samantala sa Sampaloc pa rin, naaresto rin ang 2 lalaki, kabilang ang isang Grab driver na natiyempuhang magdede-deliver ng mahigit 50 bote ng alak.

Kinumpirma ng Grab Philippines na driver partner nila ang lumabag sa liquor ban at nakatakda raw i-ban ito sa lahat ng kanilang plataporma.

"Grab remains firm in its stance to protect and support our communities, and we enjoin everyone to observe and follow public health and safety policies," anang kompanya.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.