PatrolPH

COVID-19 cases sa Pilipinas lagpas 9,000 na

ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 04:45 PM | Updated as of May 03 2020 06:00 PM

MAYNILA (UPDATE) — Umabot na sa higit 9,000 ang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, base sa datos na inilabas ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Nasa 9,223 na ang bilang ng mga positibo sa COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ng 295 bagong kaso ang DOH.

Nadagdagan naman ang mga gumaling nang 90 para sa kabuuang 1,214 habang umakyat naman sa 607 ang bilang ng mga binawian ng buhay sa respiratory illness matapos maiulat ang 4 bagong pagkamatay.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, umabot na sa 1,751 Pilipino sa ibang bansa ang nahawahan ng sakit, kung saan 471 ang gumaling at 210 ang namatay.

Sa buong mundo, umabot na sa 3.4 milyon ang kumpirmadong kaso, kung saan higit 243,000 ang namatay, ayon sa Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center.

Simula Marso, isinailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19. Nagpatupad din ng mga kaparehong hakbang ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Pinalawig hanggang Mayo 15 ang enhanced community quarantine sa ilang panig ng bansa habang ang iba ay isinailalim sa general quarantine, kung saan mas maluwag ang mga ipinapatupad na patakaran para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.