PatrolPH

Barangay sa Quezon City sasailalim sa 24 oras na 'total lockdown'

ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 09:02 PM

Isasailalim sa isang araw na total lockdown ang Barangay Bagong Silangan, Quezon City simula Lunes dahil umano sa dami ng mga taong lumalabag sa mga patakaran ng enhanced community quarantine.

Ayon kay Willy Cara, Barangay Chairperson, ipatutupad ang lockdown simula alas-5 ng madaling araw ng Lunes hanggang alas-5 ng madaling araw ng Martes.

Marami pa rin umano ang nakatambay sa kalsada, partikular ang mga kabataan kahit may ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Metro Manila.

Sa ilalim ng total lockdown, dadagdagan ang foot patrol at maglalalagay ng checkpoint sa borders ng barangay.

Tanging mga may quarantine pass lang umano ang puwedeng lumabas ng bahay para bumili ng mga pangangailangan.

Sarado rin ang sari-sari stores pero mananatiling bukas ang palengke, botika at iba pang essential stores.

Puwede namang lumabas ang frontliners at mga may trabaho, ayon kay Cara.

Nakapagtala ang naturang barangay ng 7 coronavirus disease cases.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.