'Bakit ginagatasan?': OFWs pumalag sa dagdag-kontribusyon ng PhilHealth

ABS-CBN News

Posted at May 03 2020 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pumalag ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa inilabas na direktiba ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nag-uutos na taasan ang kanilang buwanang premium.

Sa isang memorandum circular kasi, inanunsyo ng ahensya na required nang maghulog ang mga OFW nang 3 porsyento ng kanilang buwanang suweldo para sa PhilHealth coverage ngayong taon, mula sa dating 2.7 porsiyento.

Nakasaad din sa memorandum na tataas ang PhilHealth contribution nang 0.5 percent kada taon hanggang sa maging 5 percent na ang babayarang premium sa 2024.

May penalty o interes ang male-late sa pagbabayad ng kontribusyon.

Sa isang online petition, sinabi ng mga OFW na unfair o hindi patas ang bagong direktiba at lalo raw pasakit sa kanila ito ngayong may COVID-19 pandemic.

May mahigit 280,00 na ang pumirma sa online petition.

"Nagpapadala kami buwan-buwan ng pera. Tapos po malalaman namin ngayon na biglang sisingilin kami nang malaki para sa PhilHealth na hindi naman talaga namin mapapakinabangan... Bakit naman po ganun niyo kami gatasan ng pera," ani Karcy Viola, isang nurse sa Germany.

"Batid po namin na maganda ang layunin... Pero hindi po tamang sa mga manggagawa kuhanin ang pondo," ayon naman kay alyas "Venz," isang OFW sa Singapore.

Umalma rin ang grupong Gabriela sa bagong memorandum. Dagdag pasakit umano ito sa mga OFW ngayong panahon ng krisis

"Bakit gagatasan pa rin ng PhilHealth ang mga OFWs sa harap ng pandemya gayong sinabi nito mismo na may P97 billion reserve funds ito at net income na P11 billion noong 2018? It has the audacity to collect and collect when OFWs hardly benefitted from it in the face of COVID-19," ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Maging si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, sinabing hindi naman nakikinabang ang OFWs sa naturang kontribusyon.

"It is like an income tax which was abolished for OFWs and even their tax-free income filings were destroyed. They are just totally out of the purview of government exactions for which they will not benefit at all," ani Locsin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.