PatrolPH

Gumawa ng website ng 'Bikoy' videos, handang 'kumanta'

ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 09:46 PM

Watch more on iWantTFC

Ayon sa gumawa ng website kung saan in-upload ang videos na nagbintang na konektado ang ilang kaanak ni Pangulong Duterte sa drug trade, inalok siya ng pera para magtago at magpalamig matapos kumalat ang tinaguriang "Bikoy videos."

Sa isang press conference nitong Biyernes, sinabi ni Rodel Jayme na dalawang supporter umano ng Liberal Party na kaibigan niya noon ang lumapit sa kaniya upang magpagawa ng website.

Wala raw siyang kamalay-malay na ang website pala na ito ang gagamitin upang i-upload ang mga video ni alyas "Bikoy," na nagdedetalye sa umano ay kaugnayan ng mga kaanak ni Duterte sa narcotics trade. 

"Ang sabi nila sa akin, ang ipo-post do'n ay articles ng mga magagandang balita tungkol sa mga kandidato," sabi ni Jayme. 

Dahil sa kaniya na-trace ang pinagmulan ng website, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Jayme noong Huwebes sa kasong inciting to sedition. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng NBI sa computer at cellphone ni Jayme, lumalabas na ka-chat niya ang isang alias "Maru Nguyen," na isang LP supporter.

Nang mag-viral sa social media ang mga video, nag-alok daw si Nguyen ng pondo para tulungan si Jayme na magtago hanggang matapos ang halalan para "magpalamig."

"Sabi ko sa kaniya na bakit ako magtatago, wala naman akong ginagawang masama," sabi ng web developer. 

Dahil sa umano'y pagtataksil sa kaniya ng mga dating kaibigan, handa si Jayme na maging state witness at ibunyag ang tunay na pagkakakilanlan ng umano'y mga LP supporter. 

"Willing ako maging state witness para makatulong sa kaso," aniya. 

Sa ngayon, pinaghahanap na ng NBI si Nguyen at iba pang mga itinuturong kasabwat sa tinaguriang "Bikoy" videos. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.