PatrolPH

DPWH, wala pa ring rekomendasyon ukol sa tumagilid na gusali ng EAC

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 02:54 PM

MAYNILA - Nakasalalay ngayon sa binuong komite na pinangungunahan ni Public Works Secretary Mark Villar kung ano ang kahihinatnan ng tumagilid na gusali ng Emilio Aguinaldo College matapos ang magnitude 6.1 na lindol noong Abril 22.

Ayon kay Engr. Rogelio Legazpi ng Manila City Engineering office, hinihintay pa rin nila ang evaluation ng DPWH sa findings ng kanilang isinasagawang pagsusuri sa structural integrity ng tumagilid na gusali ng EAC.

Nauna nang lumutang ang tatlong posibilidad na maaring gawin sa EAC mula sa isang pribadong structural engineer.

Ayon kay Jose Sy, presidente ng Sy^2 + Associates, Inc. maaari nang gamitin dito ang kahalintulad na technology na ginamit din sa Leaning Tower of Pisa sa Italy para patatagin ang nasabing gusali.

Sabi ni Sy, maaaring lagyan ng jack ang parte ng lumubog na gusali para mailebel ito sa mataas na parte ng building.

Maaari ring putulin ang column sa mataas na parte ng building o di kaya'y hukayin ang lupa sa mataas na parte ng gusali para magpantay.

Pero depende aniya kung anong technology ang aakma dito. Depende rin ito sa kalidad ng lupang kinatatayuan ng gusali.

Wala pa ring pinapapasok sa gusali ng EAC hangga't walang approval ng awtoridad na ligtas pa rin itong gamitin.

Sarado pa rin sa motorista ang bahagi ng San Marcelino Street sa tapat ng tumagilid na building mula sa kanto ng UN Avenue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.