Babaeng nakikipagkuwentuhan sa karinderya pinagbabaril

ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 06:20 PM | Updated as of May 03 2019 09:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang negosyante na tumatayo ring administrator ng isang barangay sa Binondo, Maynila ang pinagbabaril habang nakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay noong Huwebes ng hapon. 

Sa kuha ng CCTV bandang alas-4 ng hapon, kita ang biktimang si Anabelle Yap Briñas na nakikipagkuwentuhan sa harap ng isang karinderya sa Elcano Street. 

Maya-maya pa, dumaan ang lalaking nakamotorsiklo na 10 minutong umikot-ikot sa lugar.

Makalipas nito, bumaba ang lalaki, tumawid sa karinderya at doon malapitang pinagbabaril si Briñas.

Agad tumakas ang salarin patungo sa direksiyon ng Divisoria. 

Nag-panic ang mga nasa kainan at agad isinakay si Briñas sa pedicab pero idineklara na ring patay pagdating sa ospital.

Sa paunang imbestigasyon, pinabulaanan ng Manila Police District ang kumakalat na impormasyon na mataray at hindi umano maayos ang pagtrato ni Briñas sa kaniyang mga tauhan. 

"Malabo at mababaw na papatayin siya dahil mataray siya... Titingnan pa rin natin ang anggulo na personal, negosyo, at politika," sabi ni Police Maj. Robinson Maranion ng MPD. 

Kasama nang nag-iimbestiga ang Criminal Investigation and Detection Group para makilala at matunton na ang gunman.—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.