4 arestado sa magkahiwalay na Parañaque buy-busts

ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 01:13 PM

Naaresto ngayong madaling araw ng Biyernes ang 4 tao sa 2 buy-bust operation na ikinasa sa isang compound sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Pinasok ng mga tauhan ng Parañaque police ang isang bahay sa compound matapos makatransaskyion sa loob si alyas "James," na dayo sa lugar.

Nakuha kay "James" ang 9 sachet ng shabu na tinatayang P45,000 ang halaga.

Kasabay nito, inaresto rin ng Parañaque police sina alyas "Beby," alyas "Neo" at alyas "John" sa isa pang bahay sa parehong compound.

Nakuhanan ang 3 suspek ng tig-isang sachet ng shabu.

Ayon sa ina ni "Beby," basta na lang dinampot ang kaniyang anak at mga kasama nito.

Ayon naman sa ina ni alyas "John," basta na lang pinosasan ang kaniyang anak habang natutulog ito.

"Maging patas naman sila," anang ina ni "John."

"'Di naman ako nagre-react kung ang anak ko ay nagda-drugs. Patunayan na lang nila," dagdag niya.

Pero nanindigan si Police Col. Rogelio Rosales Jr., hepe ng Parañaque police, na lehitimo ang operasyon.

"They will be treated fairly and they will be treated under due process," ani Rosales.

Nahaharap ang 4 suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.


--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.