Faeldon, kumpiyansang malulusutan ang shabu case sa Ombudsman

ABS-CBN News

Posted at May 03 2018 12:53 AM | Updated as of May 03 2018 08:17 AM

File photos of former Customs Commissioner Nicanor Faeldon, former Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, and Atty. Mans Carpio

"Dismayado" pero naniniwala pa rin si dating Customs chief Nicanor Faeldon na "mananaig ang katotohanan" matapos irekomenda ng Ombudsman na kasuhan siya ukol sa nakalusot na P6.4 bilyong shabu shipment noong nakaraang taon.

Nitong Miyerkoles, inirekomenda ng fact-finding team ng Ombudsman na sampahan ng kasong administratibo at kriminal si Faeldon na kasalukuyang deputy administrator ng Office of Civil Defense. 

Lusot naman sa asunto ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang nagbitiw sa pagka-Davao City vice mayor na si Paolo, at ang manugang ng presidente na si Atty. Manases Carpio, mister ni Davao City Mayor Sara Duterte.

"Kami ang nakahuli ng shabu shipment na 'yan. Ginawa namin ang trabaho namin para mahuli ang smuggled na shabu na 'yan sa loob ng tatlo at kalahating oras. Imbes na parangalan, gusto pa kaming kasuhan. Nakakadismaya pero mananaig ang katotohanan," ani Faeldon. 

Ayon sa special panel ng mga imbestigador ng Ombudsman, walang sapat na basehan para kasuhan ang nakababatang Duterte at si Carpio na pamangkin din ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Bukod kay Faeldon, inirekomendang kasuhan ng mga kasong kriminal at administratibo ang mga dating opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na sina Milo Maestrecampo, Larribert Hilario, at Mary Grace Tecson-Malabed.

Noong Agosto, nagbitiw sa puwesto bilang Customs imports and assessment service director si Maestrecampo nang idawit siya sa mga tumatanggap umano ng tara o suhol para sa mga kargamentong dumadaan sa Customs. 

"The BOC later discovered and seized the shabu but the manner through which the discovery and seizure were made leaves much to be desired. Evidence suggests that numerous laws and administrative issuances pertaining to the proper search, seizure, handling and controlled delivery of drugs were violated by the public officers," saad ng resolusyon ng Ombudsman special panel.

(Nasamsam man kalaunan ng BOC ang nakalusot na shabu shipment, base sa ebidensiya, may mga nilabag pa ring batas ang mga opisyal kaugnay sa nararapat na pagbabantay kontra ilegal na droga.)

Sa panayam ng ANC, sinabi ni Faeldon na naniniwala siyang mababasura rin ang mga inirekomendang kaso laban sa kanila ng Ombudsman.

Makikipagtulungan din aniya siya sa imbestigasyon sa kaso.

"We welcomed the DOJ case and we participated. Na-dismiss na po iyon," ani Faeldon. "So this time, if they will file the charges, we will have the opportunity to answer them and participate in the preliminary investigation. I’m sure after all the facts, evidence will be presented, the same will happen. It will be dismissed."

Mayo noong nakaraang taon nang makalusot ang bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu shipment sa Customs. 

Kalauna'y nasabat din ng BOC ang kargamento sa isang warehouse.

Gumulong ang mga pagdinig sa Senado kung saan inginuso ng Customs fixer na si Mark Taguba ang "Davao group" na nangasiwa umano para "dumulas" sa Customs ang kargamento ng ilegal na droga.

Nito lang Enero, ipinaaresto si Taguba sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa importasyon ng ilegal na droga.

-- May ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.