3 hinihinalang rebelde, patay sa engkwentro

ABS-CBN News

Posted at May 02 2022 09:56 PM

Nauwi sa bakbakan ang combat operation ng mga sundalo at pulis sa boundary ng Barangay Buenavista, Pio Duran, Albay at Barangay Sta. Cruz, Donsol, Sorsogon bandang alas-3 ng hapon nitong Lunes.

Sa paunang ulat ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, ikinasa ang combat operation matapos makatanggap ng impormasyon ang awtoridad sa armadong grupo sa lugar.

Tumagal ng 10 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng 3 hinihinalang mga miyembro ng New People's Army kasama na ang umano'y lider ng grupo na si alyas Bong.

Na-recover ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang M-16 rifle, kalibre .45 baril at iba pang personal na kagamitan ng mga hinihinalang rebelde.

Mas pinaigting ng awtoridad ang seguridad ngayon sa rehiyon lalo't papalapit na ang halalan.

- ulat ni Karren Canon