PatrolPH

3 patay sa tumaob na bangka sa Laguna Lake

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 02 2021 04:31 PM

3 patay sa tumaob na bangka sa Laguna Lake 1
Tatlo ang patay matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa Laguna Lake noong Mayo 1, 2021. Retrato mula sa Los Baños local government unit

Patay ang 3 lalaki matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa bahagi ng Laguna Lake malapit sa Talim Island sa Rizal noong hapon ng Sabado.

Bandang alas-4:45 ng hapon nang tumaob ang bangka, na agad namang nirespondehan ng mga disaster official at iba pang rescue team.

Nasagip ang 4 na sakay pero natagpuan nitong umaga ng Linggo ang mga bangkay ng 3 kasamahan nila.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi bilang sina Renato Parabuan Baylon, 48; King Richard Escala Gaylon, 20; at John Lourence Jarinio Escala, 15.

Pawang mga residente ng Los Baños, Laguna ang mga biktima.

Ayon kay Corp. Laurence Lumbres, imbestigador ng Los Baños police, patungo sana sa isang fiesta ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Dinala na sa funeral home ang labi ng mga nasawi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.