PatrolPH

1 patay, 3 ang sugatan sa banggaan ng 2 motorsiklo, 2 sasakyan sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at May 02 2021 12:42 AM

1 patay, 3 ang sugatan sa banggaan ng 2 motorsiklo, 2 sasakyan sa Iloilo 1
Larawan mula kay Justine Dave Montero

ILOILO - Isa ang patay matapos bumangga ang isang motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa Oton, Iloilo, Sabado ng tanghali.

Nakaangkas sa motorsiklo ang namatay na nakilala bilang si Annalie Lozano, 34, at nakatira sa Poblacion East, Oton, Iloilo.

Sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Oton, lumabas na nag-overtake umano ang motorsiklo na minamaneho ni Ed Parsomala, 38, kung saan nakaangkas si Lozano, sa sinusundan na SUV. 

Nahagip umano ng motorsiklo ang dakong likod ng sinusundang sasakyan at dahil dito, nawalan ng kontrol si Parsomala sa kaniyang minamanehong motorsiklo at bumangga sa kasalubong na sasakyan.

Matapos bumangga ang saksakyan sa motorsiklo ay nabangga pa nito ang isa pang motorsiklo na minamaneho ni Jonathan Yanong at angkas na si Renante Supremisana, na parehong nakatira sa New Lucena, Iloilo.

Sugatan sa aksidente sina Ed Parsomala, Jonathan Yanong, at Renante Supremisana na kaagad dinala sa ospital.

Idineklara naman na dead on arrival sa ospital si Lozano.

Wala namang nasugatan sa mga sakay ng dalawang sasakyan.

Nasa pangangalaga na ng awtoridad ang driver ng isang saksakyan na nakabangga sa motorsiklo habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa nangyaring insidente. -- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.