PatrolPH

Guro inaresto dahil sa social media comment hinggil sa Norzagaray social welfare office

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 02 2020 12:09 AM

Inaresto ang isang guro sa Norzagaray, Bulacan nitong Huwebes matapos ireklamo ng isang municipal officer ng social welfare and development sa naturang lugar. 

Ayon kay Norzagaray police chief Police Lt. Col. Jaime Quicho, inireklamo sa kanila ng officer ang guro dahil sa mga post nito sa social media na umaatake sa municipal social welfare department. 

Sinampahan ang guro ng kasong paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act, na nagpaparusa sa mga nagkakalat sa social media ng maling impormasyon ukol sa cornavirus disease 2019 (COVID-19) crisis. 

Ayon kay Quicho, nagka-usap na ang guro at ang complainant. Aniya, handa ang pulisyang tumalima sa mapagkakasunduan ng mga panig, gayundin sa desisyon ng piskal. 

Ayon naman sa isang concerned citizen, nagtanong lang umano ang guro sa comment section ng isang social media post ng lokal na pamahalaan ng Norzagaray ukol sa pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.