PatrolPH

Buong puwersa ng Tudela Police Station sa Misamis Occ, isinailalim sa quarantine

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at May 02 2020 11:57 AM

TUDELA, Misamis Occidental - Naka-quarantine ngayon ang buong puwersa ng Tudela Municipal Police Station matapos na magkaroon ng close contact ang dalawa sa mga pulis nito sa nurse na nakasama nila sa checkpoint na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Police Col. Danilo Tumanda, Director ng Misamis Occidental Police Provincial Office, magtatagal ng hanggang Mayo 15 ang quarantine ng mga pulis ng Tudela.

“I-prevent lang ba, ‘yong preventive measures para madali silang i-monitor kung mayroon mang makikitang symptoms gano’n,” sabi ni Tumanda.

Agad namang nagpadala ng kahaliling puwersa ang Police Provincial Office sa nasabing bayan para hindi maantala ang operasyon ng pulisya doon.

Naka-isolate sa isang resort sa bayan ang lahat ng mga pulis at hindi pinapayagang makalabas.

Sa ngayon ay wala namang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 sa mga pulis.

Dagdag ni Tumanda, umaasa at nananalangin sila na sana walang nahawa sa mga pulis.

Samantala, inihayag naman ni Tudela Mayor Samuel Parojinog na boluntaryo siyang nag-self quarantine hanggang Mayo 15 habang hinihintay ang resulta ng kaniyang swab test. Wala naman siyang nararamdamang sintomas ng sakit pero kinunan siya ng swab test.

Sabi ni Parojinog, naglaan ng pondo si Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal para bumili ng test kits para isailalim sa swab test ang mga alkalde ng probinsya dahil kahit sumusunod sila sa guidelines, marami pa rin silang nakasalamuha habang nagta-trabaho.

Dagdag ni Parojinog, isinailalim din sa quarantine sa isang resort sa bayan ang mga doktor at nurse ng Tudela Rural Health Unit matapos magkaroon ng close contact sa nagpositibong health worker.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.