PatrolPH

Tiyuhin, hinalay ang pamangkin sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 05:51 AM | Updated as of May 02 2019 10:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang 24 anyos na lalaki matapos umano niyang gahasain ang 11 anyos na pamangkin sa Sampaloc, Maynila.

Nagsumbong sa Sampaloc police ang ina ng bata nang malamang pinagsamantalahan ang kaniyang anak.

Napansin kasi niya na dumadaing ng pananakit ng puson at pabalik-balik ang lagnat ng bata.

Nang kausapin ang bata, tsaka lang ito nakapagsumbong na ginahasa siya ng kaniyang tiyuhin.

"Babae po ako. Nanay po ako eh. Nakikita ko sa katawan niyang namimilipit siya dito sa puson. Nilalagnat siya," aniya.

Tinatakot din umano ang bata na kapag nagsumbong, papatayin ng tiyuhin ang kaniyang lolo.

Ayon kay Police Capt. Edwin Fuggan, commander ng Lacson Police Community Precinct, 4 na beses pinagsamantalahan ang bata habang nasa trabaho ang mga magulang nito.

Aminado ang suspek na lasing umano sa mga pagkakataong iyon.

"Palaging andiyan sa akin 'yung bata eh. Kasi malambing siya," depensa nito.

Desidido ang pamilya na sampahan ng kasong statutory rape ang suspek. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.