PatrolPH

Sundalo na nagpanggap umano na ralyista, kinuyog sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 02:31 AM

Sundalo na nagpanggap umano na ralyista, kinuyog sa Negros Occidental 1
Larawan mula sa National Federation of Sugar Workers

NEGROS OCCIDENTAL - Kinuyog ang isang sundalo matapos umanong magpanggap na ralyista sa isinagawang rally sa Kabankalan City, Negros Occidental para sa pagdiriwang ng Labor Day nitong Miyerkoles.

Nangunguha umano ng larawan at may dalang baril ang 32 anyos na sundalo na miyembro ng 15th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon kay Felipe Gelle, convenor ng September 21 Movement, nagmamatyag sa kanila ang sundalo at agad na isinumbong sa pulisya.

Depensa naman ni Lt. Col. Patricio Tomales, commanding officer ng 15th Infantry Battalion, galing lang ng comfort room ang sundalo na agad kinuyog ng mga ralyista.

Ninakawan pa umano ng alahas at cellphone ang sundalo, aniya.

"Mga allegations na lang 'yun. Kahit naman sino, kung titingin ka doon, sasabihin kaagad na nagmo-monitor ka, nagi-intel ka," dagdag ni Tomales.

"Pero ang tanong, bakit bubugbugin? Bakit nakawan ng valuables? Meron talagang baril ang ating sundalo, meron itong papel, at meron tayong gun ban exemption."

Para naman kay Gelle, gusto lang i-justify ng militar ang ginagawang surveillance operation laban sa mga militanteng grupo.

Takot pa rin ang kanilang nararamdaman lalo't ilang magsasaka sa Negros Oriental ang pinatay noong Marso. - Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.