Pulis na nakapatay sa bata sa Caloocan, may mga dating kaso - NCRPO

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 07:22 AM | Updated as of May 02 2019 07:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Dati nang naharap sa 2 kaso dahil sa pagkalasing at ilegal na pagpapaputok ng baril ang isang pulis na nakapatay ng bata kamakailan sa Camarin, Caloocan, sabi ng hepe ng Metro Manila police, Huwebes. 

Sa inisyal na imbestigasyon, may namataan umanong isang suspek si Corporal Rocky Delos Reyes kaya hinabol niya ito at pinaputukan ng baril, Linggo. Dito na tinamaan ng ligaw na bala ang 6-taong-gulang na biktimang naglalaro sa labas ng bahay.
 
Nitong Disyembre, naharap si Delos Reyes sa kasong administratibo na illegal discharge of firearm, sabi ni Metro Manila police chief Major General Guillermo Eleazar. 

Nagpaputok aniya ng baril si Delos Reyes matapos may mambato sa kaniyang bahay habang mayroon siyang kainuman. 

Inireklamo rin aniya ang pulis nitong Enero matapos umanong pumasok sa trabaho nang nakainom. 

"Ito pong mga kaso na ito ay ireresolba natin within the next few days para mabigyan agad siya ng sanction doon," sabi ni Eleazar sa panayam ng DZMM. 

MGA PAGLABAG 

Diin ni Eleazar, "napakarami" ng paglabag sa insidenteng ikinamatay ng paslit na si Gian Habal. 

Una na aniyang kinumpiska ang service firearm ni Delos Reyes kaya personal na baril ang ginamit nito sa insidente noong Linggo. Kahit pa lisensyado ang naturang baril, hindi aniya ito dapat ginamit ni Delos Reyes dahil may umiiral na election gun ban. 

Imbes na habulin nang mag-isa ang umano'y suspek na kaniyang nakita, dapat aniya'y tumawag din ng responde si Delos Reyes sa pinakamalapit na istasyon. 

Mali rin aniyang paputukan ang isang tumatakas na suspek. 

"He doesn't deserve to be in our organization," patungkol ng opisyal kay Delos Reyes. 

Nasugatan sa insidente ang lola ng bata matapos habulin si Delos Reyes, na muli umanong nagpaputok ng baril na tumama naman sa paa ng lola. 

Sumuko ang pulis sa mga awtoridad. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.