Panelo kumambiyo: Kopya ng 'Oust Duterte' matrix nakuha sa text

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Galing sa unknown source ang kopya ng "Oust Duterte" matrix na ipinresenta ng Palasyo noong Abril 22, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Taliwas ito sa unang pahayag ni Panelo na galing mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang matrix, na nagdadawit sa ilang mamamahayag at abogado sa umano ay planong pagpapatalsik sa Pangulo. 

Ayon kay Panelo, ipinadala lang sa kaniya ang kopya ng matrix sa pamamagitan ng isang text message na galing daw sa hindi kilalang numero. 

"Wala siyang (Duterte) binigay. Hindi naman siya ang nagbigay basta may nagpadala sa akin ng matrix, di ba sabi ko sa inyo may nagpadala sa akin ng text,” ani Panelo ngayong Huwebes. 

"Hindi ko alam, kasi walang ano eh… walang numbers nga eh," anang kalihim nang tanungin kung kanino nanggaling ang text message. 

Matatandaang inilathala ng pahayagang The Manila Times noong Abril 22 ang isang matrix, kung saan idinadawit ang ilang pahayagan at abogadong kritikal sa administrasyon ng Pangulo sa pagpapatalsik dito. 

Kasama sa isinasangkot ang National Union of Philippine Lawyers, at ang mga investigative journalism outlets gaya ng Philippine Center for Investigative Journalism, Vera Files, at Rappler. Pawang pinabulaanan ito ng mga grupo at pahayagan. 

Ilang oras matapos ilathala ang matrix, ipinresenta ni Panelo ang kopya sa isang press briefing at sinabing nanggaling ito kay Duterte. 

"The source of that is from the Office of the President. It’s from the President himself," ani Panelo sa nasabing press conference. 

Aminado rin ni Panelo na blurred ang ipinresenta niyang matrix sa media noon kaya kumuha ang kaniyang kampo sa The Manila Times ng mas malinaw na kopya. 

"That is why I asked my staff, 'Kumuha kayo nang mas klaro.' How will you get it? Sa Manila Times klaro. So ini-screenshot, dinownload, o, di makikita mo na ang mga pangalan," aniya. 

Gayunman, iginiit ni Panelo na walang dapat pagdudahan sa naturang matrix.

"The President doesn’t lie about these things," anang kalihim. 

-- May ulat nina Pia Gutierrez at Arianne Merez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.