PatrolPH

Mga empleyado ng gumuhong supermarket sa Porac, nabigyan ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 07:18 PM

MAYNILA - Nakatanggap ng ayuda mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga nasugatang empleyado ng supermarket na gumuho sa Porac, Pampanga matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Luzon noong Abril 22.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, naibigay na nila ang cash assistance mula sa Employees Compensation Commission (ECC) na nagkakahalaga ng P10,000 noong Labor Day job fair sa San Fernando City, Pampanga.

Tinanggap ito ng mga kaanak ng limang manggagawa ng Chuzon supermarket na nasa ospital pa ngayon matapos na ma-rescue sa gumuhong apat na palapag na gusali.
 
Sa limang manggagawa, dalawa ang naputulan ng paa habang ang iba ay nagtamo ng multiple fractures dahil sa lindol.

Sabi ni Bello, ang cash assistance ay bahagi ng quick response program ng ECC na nagbibigay ng agarang suporta sa mga manggagawang may work-related contingencies.

Bukod sa cash assistance, nakatanggap din sila ng grocery items mula rin sa ECC.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.