Lola, 5 iba huli sa paggamit ng droga sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 07:31 PM

Arestado sa Pasay City noong gabi ng Miyerkoles ang anim na tao, kabilang ang isang 62 anyos na babae na naaktuhan umanong gumagamit ng droga sa loob ng isang bahay sa Barangay 178. 

Pinakamatanda sa mga naaresto si alyas Lulu. Kasama umano nitong gumagamit ng shabu ang lima pa, ayon sa mga pulis. 

Ayon kay Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City police, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano'y drug session sa bahay kaya sinalakay ito ng mga pulis. 

Nang maaresto ang mga suspek, nakuha ang 5 sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia. 

Aminadong gumagamit ng shabu si Lulu pero depensa niya, hindi siya naaktuhang gumagamit ng droga dahil naglalaro lang umano sila ng tong-its nang hulihin sila ng pulis. 

Kuwento niya, napapagamit daw siya ng droga para umano sa trabaho niyang paglalabandera. 

Itinanggi rin ng isa sa mga naaresto na si alyas Letty na kasama siya sa session dahil tulog umano siya noon. 

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang anim na nahuli. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.